Sa pagbabalik ng sesyon sa Senado kahapon, malugod na binati ni Sen. Bongbong Marcos si presumptive President Rodrigo Duterte sa pagiging “clear and uncontested winner” sa presidential race.
Ipinanukala pa nga ni Marcos na magkaroon na ng agarang proklamasyon kay Duterte bilang bagong pangulo ng bansa sa joint session ng Kongreso na magco-convene ngayong araw bilang national board of canvassers para sa presidential at vice presidential race.
Ngunit, sa kaniyang privilege speech, muli niyang kinwestyon ang pangingialam ng Smartmatic sa script ng transparency server ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Giit ni Marcos, dapat mabigyang linaw muna ang isyung ito, pati na ang pag-check muna sa mga boto sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kung saan sinasabing may mga botanteng hindi pinayagang bumoto at preshaded na ang mga balota.
Mayroon rin aniyang mga lugar kung saan lahat ng mga kandidato sa pagka-pangalawang pangulo ay nakakuha ng zero na boto maliban lang kay Rep. Leni Robredo.
Hindi naman diretsahang sinabi ni Marcos kung gusto niyang ipagpaliban ang proklamasyon ng nanalong bise presidente, pero nais niyang huwag munang isama sa canvassing ang mga boto sa mga lugar na lumalabas na may anomalya.
Hindi pa rin kasi kumbinsido si Marcos sa sinabi ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista na “cosmetic” change lang ang layon ng pagbabago sa script, at wala itong kinalaman sa bilangan ng boto.
Ayon pa kay Marcos, sumulat na sila sa COMELEC noong nakaraang linggo upang payagan ang kaniyang mga IT experts na silipin ang servers nito ngunit wala pa rin silang natatanggap na tugon. /