Komento ng CBCP sa mga banat ni Duterte, inihahanda na

May 24, 2016 - 04:22 AM

soc-villegasHindi na lang basta mananahimik ang Simbahang Katolika sa mga pambabatikos at pag-atake ni presumptive President Rodrigo Duterte sa kanila.

Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president Lingayen Archbishop Socrates Villegas, inihahanda na nila ang kanilang sagot sa mga pahayag ni Duterte laban sa kanila.

Kabilang na nga sa mga binitiwang pahayag ni Duterte laban sa Simbahan ay nang tawagin niya itong “most hypocritical institution,” pati na ang pag-akusa sa ilang mga pari at obispo ng paglabag sa kanilang vow of celibacy.

Bukod dito nabanggit rin ni Duterte na may mga opisyal ng Simbahan na humihingi ng mga pabor sa mga pulitiko, tulad na lamang ng ilan na humimok sa kaniyang tumakbong alkalde noon para magkaroon sila ng ari-arian sa Davao.

Inakusahan rin niya ng katiwalian ang Simbahan kung saan ang mga opisyal aniya ay nagpapasarap lamang sa pera ng mga tao.

Paliwanag naman ni Retired Archbishop Oscar Cruz, ang Simbahan ay may built-in mechanism na lumilinis sa mga tao nito at sakaling madiskubre nilang may maling ginagawa ang mga ito na lumalabag sa kanilang batas, pinarurusahan ang mga ito.

Kaya naman panawagan ni Cruz kay Duterte na ilabas ang mga pangalan ng mga sinasabi niyang obispo at pari na mapang-abuso at lumalabag sa kanilang sinumpaan upang may magawa ang Simbahan kaugnay nito.

Samantala, tumanggi naman si Villegas na magkomento tungkol dito dahil ayaw niyang mapagkamalan ng iba na posisyon ng CBCP ang kaniyang magiging pahayag.

Ilalabas ng CBCP ang kanilang statement ngayong araw sa ordination ni Bishop-elect Enrique Macaraeg sa St. John the Evangelist Cathedral sa Dagupan City. / Kathleen Betina Aenlle

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.