Kasabay ng pangunguna sa presidential race, Marcos nagpasalamat sa mga tagasuporta
Nagparating ng pasasalamat si Presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa mga mamamayang Filipino na sumuporta sa kaniyang kandidatura.
Kasabay ito ng pangunguna ni Marcos sa presidential race ng 2022 National and Local Elections (NLE).
Base sa partial at unofficial results ng Commission on Elections (Comelec) transparency server hanggang 11:17, Lunes ng gabi (Mayo 9), nakakuha na si Marcos ng 25,489,420 votes.
Gayunman, sa ‘Address to the Nation’ sa Facebook, sinabi ni Marcos na kailangan pa ring magbantay dahil hindi pa tapos ang bilangan sa mga boto.
Marami na aniyang nagsasabi na tapos na ang bilangan ngunit ani Marcos, dapat hintayin ang magiging pinal na resulta ng halalan bago magdiwang.
“To all of those who have been with us in this long and sometimes difficult journey for the last six months. I want to thank you for all that you have done for us,” ani Marcos.
Libu-libo aniya ang volunteers, parallel groups, at political leaders na nagtiwala sa kanilang mensahe ng pagkakaisa sa bansa.
Kahit hindi pa tapos ang bilangan, hindi na aniya niya mahihintay na magpasalamat sa lahat ng tumulong, sakripisyo, oras, nakiisa sa kanilang mga ipaglalaban at iba pa.
“Kung tayo’y palarin, aasahan ko ang inyong tulong ay hindi magsawa, ang inyong tiwala ay hindi magsawa dahil marami po tayong gagawin dito sa ating hinaharap,” dagdag nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.