Nakaboto na si Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City para sa 2022 National and Local Elections.
Bumoto ang pangulo sa Precinct Number 1245A sa Daniel R. Aguinaldo National High School (DRANHS) pasado 4:30 ng hapon.
Kasama ng pangulo na bumoto si Senador Christopher “Bong” Go.
Lubos na nagpasalamat si Duterte sa mga tagasuporta na sumubaybay sa kaniyang anim na taong pagsisilbi bilang pangulo ng Pilipinas.
Kahit magiging sibilyan, handa pa rin aniya siyang tumulong sa mga kababayan, tulad ng pagseserbisyo noong alkalde pa siya ng lungsod.
Dagdag ng pangulo, nandiyan ang kaniyang mga anak at sila ang iboto kung sa tingin nila ay maayos ang pamamalakad sa naturang siyudad.
Nagpasalamat din ang pangulo sa pagpaparating ng tulong at suporta sa kaniyang mga anak.
Tumatakbo ang mga anak ng pangulo na sina Davao City Mayor “Inday” Sara Duterte-Carpio sa pagka-bise presidente; Vice Mayor Sebastian Duterte sa pagka-alkalde ng Davao City; habang reelection bid naman si Davao City, 1st District Rep. Paolo Duterte.