Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na magpapatuloy ang botohan para sa 2022 National and Local Elections sa kabila ng mga nararanasang aberya ng vote counting machines sa ilang lugar.
Sa press briefing, sinabi ni Comelec acting spokesperson John Rex Laudiangco na ‘all systems go’ na ang poll body para sa halalan.
Siniguro nito sa mga botante na kapag pumunta sa polling precincts ay makakaboto sila.
Reresolbahin aniya ang mga VCM na nagkaroon ng problema at ihahabol sa mga presinto.
“Unfortunately, ‘yung mga unang botante, hindi ma-experience ‘yung pag-feed ng balota at pagtanggap ng voter receipt. But nonetheless, in-a-assure namin kayo, tuluy-tuloy ang botohan,” ani Laudiangco.
Hanggang Linggo ng gabi, Mayo 8, sinabi ni Laudiangco na isang bayan sa Oriental Mindoro at isa pa sa Northern Samar ang hindi pa nakakatapos sa final testing and sealing ng vote counting machines dahil sa kakulangan ng test ballots.
Gayunman, pinayagan ang mga guro na gumamit ng tatlong official ballots upang maituloy ang final test.
Samantala, hinihintay pa ng Comelec ang ulat mula sa 47 clustered precincts sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ukol sa kanilang VCM final testing and sealing.