Panibagong alegasyon ng dayaan sa halalan iimbestigahan ng Comelec

By Den Macaranas May 23, 2016 - 03:28 PM

Bautista
Inquirer file photo

Tiniyak sa publiko ng Commission on Elections (Comelec) na kanilang iimbestigahan ang alegasyon na ginamit umano sa dayaan sa nakalipas na halalan ang tatlumpung consolidated counting servers na inihatid sa Sta. Rosa Laguna noong May 9, araw ng eleksyon.

Nauna nang sinabi ng isang grupo ng mga Information Technology (I.T) experts na nagpatago sa tawag na “MM” na layunin ng nasabing mga makina na mag-generate ng 2.65 Millions na dagdag na boto para sa ilang partikular na kandidato.

Ipinaliwanag ng grupo (M.M) na inihatid sa Comelec – National Technical Support Center sa Sta. Rosa Laguna ang nasabing mga makina alas-singko ng hapon noong May 9.

Kanila ring sinabi na magbabato ng dagdag na mga boto ang nasabing makina sa mga lalawigan kung saan ay dikitan ang laban ng ilang mga kandidato para sa national positions.

Gayunman ay tumanggi ang nasabing samahan ng mga I.T experts na pangalanan kung sino sa mga kandidato ang nakinabang sa naturang election rigging.

Sa kanyang panig, sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na basta’t may mga ihaharap na mga ebidensya ay bukas ang poll body sa imbestigasyon at sila rin ay interesado sa nasabing expose’.

Pero nilinaw ng opisyal na ang technical support group ng Comelec ay nakabase sa Quezon City at hindi sa Laguna tulad ng sinabi ng grupong “MM”.

Ipinaliwanag rin ni Bautista na mula nang ginamit ang automated process sa halalan noong 2010 hanggang ngayon ay wala pang nananalong kaso laban sa prosesong ginamit sa mga nagdaang eleksyon.

TAGS: bautista, comelec, laguna, May 9, smartmatic, bautista, comelec, laguna, May 9, smartmatic

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.