NTC inatasan ang telcos, IPs na suspendihin ang network repairs bago ang eleksyon
By: Chona Yu
- 3 years ago
Ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa telcos at internet service providers (ISPs) na itigil ang kanilang network repairs hanggang sa susunod na linggo upang matiyak ang dire-diretsong serbisyo para sa darating na May 9 elections.
Epektibo ang suspensyon sa maintenance work simula May 4 hanggang 14.
Ayon sa NTC, sa pamamagitan nito ay masisiguro ang tuloy-tuloy na telecommunication services at walang patid na digital connectivity ng election related communications sa naturang panahon.
Pinapayagan naman ang emergency repairs basta’t naipabatid sa NTC at naibigay ang mga detalye na kailangang gawin.
Obligado rin ang maintenance personnel, kabilang ang subcontractors, na gumamit ng proper company ID, uniform at company marked vehicles sa lahat ng oras.
Nabigyan na rin ng kopya ng notices ang Commission on Elections, Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police upang mapigilan ang mga tiwaling indibidwal na magdulot ng anumang interruption sa telecommunication services.
Hiniling din ng NTC sa Department of Public Works and Highways na suspindihin ang mga paghuhukay simula May 4 hanggang 14 na maaring magdulot ng fiber cuts.
Ito’y makaraang makatanggap ang NTC ng sulat mula sa Globe Telecom hinggil sa posibleng fiber cuts na maaring idulot ng paghuhukay sa mga kalsada