Siyam na pulis-Cavite City binalasa, mayor nangangamba
Labis na ipinagtataka ni Cavite City Mayor Bernardo ‘Totie’ Paredes ang biglaang pagkakabalasa ng siyam na pulis ng lungsod limang araw bago ang araw ng botohan.
Base sa nakuhang dokumento ng Radyo Inquirer Online, noong Mayo 4 inilabas at naging epektibo ang ‘reassignment’ ng siyam na pulis at ang kautusan ay ginawa ni Police Lt. Col. Pablito Naganag, ang deputy provincial director for Administration ng Cavite Provincial Police Office.
Inilipat ang siyam na pulis sa ibat-ibang lokal na istasyon pulisya sa lalawigan.
Bunga ng naging hakbang, nangangamba na rin si Paredes sa posibleng maging epekto ng naturang hakbang sa magaganap na botohan at bilangan ng mga boto sa lungsod.
Sinabi pa ng opisyal na pinag-aaralan na ng kanilang legal team ang gagawing hakbang para magkalinaw ang biglaan na pagpapalipat sa siyam na pulis.
Naniniwala si Paredes na kailangan ang basbas ng Commission on Elections kung gagalawin sa puwesto ang mga pulis dahil ipinagbabawal ang anumang balasahan ng mga kawani ng gobyerno tuwing may nalalapit na eleksyon.
May impormasyon na may kamay ang isang political dynasty sa lalawigan sa naging hakbang, bagamat diin ni Paredes ang tanging hangad niya ay maging maayos at mapayap ang eleksyon sa kanilang lungsod sa Lunes, Mayo 9.
Huling termino na ni Paredes at isa sa mga kandidato sa iiwan niyang posisyon ay ang kanyang anak na si Apple Paredes at makakalaban naman nito si incumbent Vice Mayor Denver Chua.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.