Sinabi ni Aoi Bautista, ang national chairman ng Philippine Transport Monitor o PhilTram, ang unang plano ay motorcade ng kanilang grupo sa kahabaan ng Aguinaldo Highway.
Ngunit aniya pinalitan na lamang nila ito ng caravan ng mga motorcycle riders sa katuwiran na ayaw nilang makaapekto sa biyahe ng mga motorista at pampublikong sasakyan.
Binaybay ng kanilang caravan ang mga lungsod ng Bacoor, Imus hanggang sa lungsod ng Dasmarinas.
“Inabot tayo ng almost two hours. Inorasan ko at masasabi ko na this was the best motorcade we ever had in the past two weeks at maganda ang reception ng mga tao,” ani Bautista.
Ibinahagi pa nito na sa kanilang mga katulad na pagkilos sa Batangas, Rizal mula sa Norte, na kinabibilangan ng Ilocos Norte, La Union, at Pangasinan, mainit ang pagtanggap ng mga tao sa kombinasyong Marcos – Sotto.
Naniniwala aniya sila na mas maganda ang Marcos – Sotto dahil nararamdaman na sila ang tunay na may magandang plataporma para sa masa.
Tiwala din sila na malaki ang makukuhang boto ng dalawa sa Cavite dahil si Marcos ang inendorso ni Gov. Junvic Remulla, samantalang si Sotto naman ang runningmate ni independent presidential candidate Ping Lacson, na tubong Cavite.