Perang natatanggap mula sa 4Ps, hindi totoong ipinantataya sa jueteng ng mga beneficiary ayon sa DSWD

By Ricky Brozas May 23, 2016 - 12:19 PM

4PsTinawag lamang na kalokohan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang ulat na mahigit 80% ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s ay ipinangtataya sa jueteng ang kanilang buwanang subsidiya mula sa gobyerno.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, hinamon ni 4P’s Social Marketing head Ofelia Escauriaga ang naglabas ng ganoong balita na magpakita ng resulta ng kanilang pag-aaral hinggil sa inaakusang kontrobersiya.

Ayon kay Escauriaga, kung mayroon mang tumataya sa jueteng o anumang iligal na sugal gamit ang grant mula sa 4P’s, ito ay maituturing na “isolated” lamang.

At iyon umano ay responsibilidad na ng mga LGUs o Local Government Units na nakasasaklaw sa lugar na may jueteng.

Gayunman, sinabi ng opisyal na ibeberipika rin nila kung saang mga lugar ang posibleng umaabuso ang mga pamilya sa paggamit ng ayuda mula sa 4P’s.

Babala ng opisyal, maaring matanggal sa “listahanan” ng mga benepisyaryo ang sinuman na mapatutunayang mali ang paggamit sa pondo na ibinibigay ng gobyerno sa mga pinakamahihirap na pamilya./ Ricky Brozas

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.