Pag-atake ni Duterte sa mga opisyal ng simbahan OK lang ayon kay Bishop Cruz

By Dona Dominguez-Cargullo May 23, 2016 - 10:29 AM

Bishop Oscar CruzPinag-iingat ni Archbishop-emeritus Oscar Cruz si incoming President Rodrigo Duterte sa pagsasalita o pag-atake sa Simbahang Katoliko.

Ayon kay Cruz na dati ring presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga taong simbahan gaya nilang mga Obispo gayundin ang mga pari ay maraming pagkakamali at pagkakasala.

Hindi naman aniya nila isinisikreto na silang mga naglilingkod sa simbahan ay may pagkukulang din.

Reaksyon ito ni Cruz sa pagtawag ni Duterte sa simbahan bilang pinaka-ipokritong institusyon sa bansa.

Pero ayon kay Cruz, bagaman tama si Duterte na marami talagang pagkukulang ang mga taong simbahan, dapat aniyang maging maingat sa pagbibigay ng pahayag si Duterte.

Ani Cruz, iba ang “Simbahan” sa “taong simbahan”. “Tama siya na marami kaming pagkukulang kaming mga taong simbahan, pero hindi kami ang simbahan,” sinabi ni Cruz.

Ang “Simbahan” ayon kay Cruz ay banal at mananatiling matatag at nag-iisa.

“Ang taong simbahan po gaya naming mga Obispo at mga pari, marami kasing pagkukulang. Hindi naman namin itinatanggi iyon, hindi naman po sikreto na marami kaming pagkakamali. Pero ang simbahan po ay iba po iyon, iyan po ay banal, nag-iisa. Ang tao malilibing na, magiging abo na pero ang simbahan ay nakatayo pa rin,” dagdag pa ni Cruz.

Pakiusap ni Cruz kay Duterte, maging maingat sa pagbibigay ng pahayag. Nilinaw naman ni Cruz na hindi niya pinapayuhan si Duterte at sa halip ay nakikiusap lamang siya.

Nagbiro pa si Cruz na mahirap pagpayuhan ang isang tao kapag may edad na dahil hindi naman na ito matututo.

Alam din umano niyang hindi rin siya pakikinggan kahit pagpayuhan niya pa si Durterte.

“Wala po akong payo kay President Duterte, kapag po matanda na ang tao ay hindi na matututo eh. Hindi po ako magpapayo, hindi naman ako papakinggan, baka pati ako mamura,” ayon pa kay Cruz./ Dona Dominguez-Cargullo

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.