Pinakahuling resulta ng Pulse Asia survey, posibleng maging resulta ng May 9 elections

By Chona Yu May 04, 2022 - 12:48 PM

Photo credit: Pulse Asia website

Kumbinsido ang Pulse Asia na mayorya ng 65 milyong registered voters ang nakapagdesisyon na sa kanilang mga ibobotong kandidato, limang araw na lamang bago ang May 9 national elections.

Naniniwala si Ana Maria Tabunda, Research Director ng Pulse Asia, na ang resulta ng survey ay maaring siya ring resulta ng halalan.

Batay sa kanilang final pre-election survey, napanatili ni presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang malaking kalamangan sa kanyang 56 percent voter preference.

“Magbago man kaunti lang hindi na magkakaroon ng upset. Mahihirapan na talaga yung ibang contender na makahabol,” sabi ni Tabunda.

Isinagawa ang huling Pulse Asia non-commissioned survey noong April 16-21 na nilahukan ng 2,400 respondents.

Nakapagtala rin si Marcos ng kaparehong 56-percent voter preference noong March survey ng Pulse Asia at nanatiling lider sa karera sa pagka-pangulo na mayroong 33 porsyento na lamang sa kanyang pinakamalapit na katunggali na si Vice President Leni Robredo na umiskor ng 23 porsyento, o mas mababa pa ng isang porsyento sa kanyang 24-percent voter preference noong Marso.

Nasa malayong pangatlo si Senator Manny Pacquiao na nakakuha ng pitong porsyento, habang si Manila Mayor Isko Moreno ay bumagsak sa pang-apat na na may apat na porsyento at si Senator Panfilo “Ping” Lacson ay nasa ika-limang pwesto na mayroong dalawang porsyento.

Idinagdag ni Tabunda na sa 56-percent voter preference ni Marcos, mayorya ang nagsabi na hindi na magbabago ang kanilang desisyon hanggang sa May 9 elections.

“80 percent ang nagsasabi na hindi na magpapalit ang boto nila para kay BBM. Sa tingin ko hindi (na lilipat), that’s why yun pa rin ang number niya,” paliwanag ni Tabunda.

Una nang inihayag ni Tabunda na ang 56 percent ay katumbas ng 36.5 million ng kabuuang 65 million registered voters sa bansa.

“Well, ngayon lang kami nakakita ng ganyan kalaking lamang sa buong experience namin. Kauna-unahang pagkakataon ito na mayroong nag-majority voter preference na presidential candidate,” saad ni Tabunda sa nakalipas na panayam.

TAGS: #VotePH, 2022elections, 2022polls, InquirerNews, OurVoteOurFuture, PulseAsia, RadyoInquirerNews, #VotePH, 2022elections, 2022polls, InquirerNews, OurVoteOurFuture, PulseAsia, RadyoInquirerNews

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.