Kinuwestiyon ni reelectionist Senator Leila de Lima ang motibo ng Department of Justice (DOJ) sa mga hakbang kaugnay sa pagbawi na ng mga humarap na testigo laban sa kanya.
Aniya, maari nang kuwestiyunin ang desisyon ng DOJ sa patuloy na pagpapakulong sa kanya sa kabila ng pagbawi nina suspected drug lord Kerwin Espinosa at dating Bureau of Corrections Dir. Rafael Ragos ng kanilang mga testimoniya.
Diin niya, wala siya sa posisyon para puwersahin ang mga testigo na bumaligtad sa kanilang mga sinumpaang pahayag.
“There are many things questionable about the cases against me. The recantation of witnesses is not one of them. If anything, this is the only thing that makes sense: its proof that the truth will always come out,” giit ng senadora.
Aniya, ang dapat na gawin ng DOJ ay hanapin ang katotohanan at hindi ito itago.
Sa pagbawi ni Ragos ng kanyang pahayag, sinabi nito na pinagbantaan lamang siya ni dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre III para idiin si de Lima.