Massive heart attack ang ikinamatay ng dalawa sa limang nasawi sa concert sa Pasay

By Dona Dominguez-Cargullo May 23, 2016 - 08:37 AM

close upAtake sa puso ang dahilan ng pagkamatay ng dalawa sa limang nasawi sa Forever Summer concert ng Close Up na ginanap sa Mall of Asia noong Sabado, May 21.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Chief Insp. Rolando Baula, pinuno ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police, ito ang kanilang initial findings sa pagkamatay nina Lance Garcia-36 anyos at Bianca Fontejon-18 anyos.

Sinabi ni Baula na batay sa resulta ng isinagawang pagsusuri ni Dr. Wilfredo Esquivel Tierra ng National Bureau of Investigation (NBI) medico legal, nasawi sina Garcia at Fontejon dahil sa massive heart attack.

Pero ayon kay Baula, hinihintay pa nila ang resulta ng isinagawang toxicology test kina Garcia at Fontejon.

“May initial findings na kami sa ginawa ng NBI medico legal office sa cadaver ni Lance Garcia at Bianca Fontejon, massive heart attack ang findings ng medico legal dito. Ayon sa NBI medico legal kumuha sila ng specimen sa dalawa to determine. Pero may isinagawa pa ring toxicology test sa kanilang dalawa at hinihintay ang resulta noon,” sinabi ni Baula.

Ayon kay Baula, ang pamilya ng isa pang nasawi na si Ariel Leal, 22 anyos ay nagsumite na ng waiver sa Pasay City Police na nagsasabing hindi na nila papaimbestigahan ang pagkasawi ng kaanak.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa pamilya ni Ken Migawa, 18 anyos at ngayong araw ay muling magtutungo sa US Embassy ang mga tauhan ng Pasai City Police dahil ang isa sa mga nasawi na si Eric Anthony Miller, 33 anyos ay American national.

Kwento ni Baula, bagaman hindi magkakasama at hindi magkakakilala, ang limang nasawi ay magkakasunod na nakaramdam ng paninikip ng dibdib at saka nag-collapse sa kasagsagan ng concert.

Sa pagsisiyasat nila, ang mga oras na dinala ang lima sa pagamutan ay alas 12:00 ng madaling araw, 2:00am, 2:25am, 3:00am, at 3:55am.

Habang nagaganap ang concert, may nag-aalok umano ng alak sa mga dumalo. Ani Baula, may mga nakapanayam silang nanood ng concert at marami sa kanila ang nagsabi na pawang tubig lamang ang kanilang ininom.

Tinatayang aabot sa 14,000 ang dumalo sa open-air concert na ginanap sa Mall of Asia grounds.

Sinabi ni Baula na sa dalawang taon niya sa Pasay City Police District, marami namang konsyerto na ang naidaos pero ito ang unang pagkakataon na nangyari ang insidente./ Dona Dominguez-Cargullo

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.