Pagbibigay ng 2nd booster shots sa senior citizens pinamamadali ng partylist solon
Umapila sa gobyerno si Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes na madaliin ang pagbibigay ng 2nd booster shots sa mga nakakatandang populasyon ng bansa.
Ginawa na ni Ordanes ang apila dahil marami ng senior citizens ang ‘eligible’ ng 2nd dose sa kadahilanang may tatlong buwan nang lumipas nang maturukan sila ng kanilang booster shot.
Nabanggit din ng namumuno sa House Special Committee on Senior Citizens na milyong-milyong COVID 19 vaccines ang malapit ng mag-expire at upang hindi masayang ang inutang ng gobyerno para makabili ng mga bakuna, makakabuti kung ituturok na ito bilang second booster shot o 4th dose sa ‘vulnerable sectors.’
“Iyan ang kailangan ng ating mga senior citizens para doble maproteksiyonan pa sila dahil alam naman natin ne very vulnerable sila sa COVID 19 kaya malakas na panlaban ang second booster shot sa kanila,” dagdag pa ng mambabatas.
Sinabi pa nito na may ilan pa sa humigit kumulang 10 milyong senior citizens sa bansa ang hindi pa nababakunahan at marami din sa mga fully vaccinated sa kanila ang hindi pa nagpapaturok ng kanilang booster shot.
Kayat apila ni Ordanes sa mga kinauukulang ahensiya at lokal na pamahalaan na hanapin at puntahan na sa kanilang mga bahay ang mga ito upang bakunahan.
Dapat din aniya ay mas paigtingin pa ng gobyerno ang information campaign ukol sa COVID 19 vaccines para makumbinsi at mapagbago ang isip ng mga nagdududa at nangangamba sa bakuna.
Samantala, base sa resulta ng Pulse Asia survey, Top 6 ang Senior Citizens Partylist, na Numero 158 sa balota, sa hanay ng mga partylist groups.
Isinagawa ang survey noong nakaraang Abril 16 hanggang 21.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.