P392,000 halaga ng marijuana, nasabat sa dalawang shipment mula Spain

BOC photo

Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark ang dalawang kargamento na naglalaman ng 231 gramo ng Kush o Marijuana.

Tinatayang nagkakahalaga ng P392,700 ang mga kargamento na nagmula sa Spain.

Isinagawa ang matagumpay na operasyon ng BOC Port personnel, katuwang ang Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF), Enforcement Security Service (ESS), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), X-ray Inspection Project (XIP), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Unang idineklara na naglalaman ang mga kargamento ng “city comfort bufanda mujer invierno.”

Dumating sa Pilipinas ang unang shipment na nagmula sa Madrid noong Marso 27, habang noong Abril 3 naman dumating sa bansa ang ikalawang shipment mula sa Barcelona.

Naka-address ang mga consignee ng dalawang kargamento sa Quezon City at Marikina City.

Nang sumalang sa 100 porsyentong physical examination, nadiskubre ang dalawang plastic pouches na naglalaman ng dried leaves, buds, ar stems sa kargamento mula sa Madrid.

Samantala, tatlong vacuum-sealed packs naman ang nakita sa shipment mula sa Barcelona.

Dinala ang samples sa PDEA para sa chemical laboratory analysis at dito naberipika na marijuana ang laman ng mga kargamento.

Agad naglabas ng Warrant of Seizure and Detention si District Collector Alexandra Lumontad laban sa dalawang shipment dahil sa paglabag sa Sections 118 (g), 119 (d), at 1113 (f) ng Republic Act 10863 na may kinalaman sa Section 4 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nai-turnover ang mga ilegal na droga sa PDEA para sa wastong disposisyon.

Read more...