Bagong terminal building ng Clark Airport, binuksan na
Binuksan na ng Clark International Airport (CRK) ang kanilang bagong passenger terminal building sa araw ng Lunes, Mayo 2.
Ito ay matapos ilipat ang lahat ng departing at arriving flights sa naturang paliparan.
Kayang maserbisyuhan ng 110,000 square-meter CRK terminal ang hindi bababa sa walong milyong pasahero kada taon.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), inaasahang makatutulong ito upang ma-decongest ang Ninoy Aquino International Airport sa Metro Manila.
Tampok sa bagong terminal building ang contactless features tulad ng self-service check-in kiosks at bag drop systems, all-gender restrooms, nursing stations, multi-faith prayer rooms, at kauna-unahang lounge para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Matatandaang natapos ang konstruksyon ng bagong terminal noong 2020 sa kabila ng COVID-19 pandemic.
“Despite and notwithstanding the COVID-19 pandemic, sige-sige at tuluy-tuloy ang trabaho para mapakinabangan agad ang proyekto ng ating mga kababayan. Kaya naman natapos sa kabila ng pandemya. This project is a living proof that if we work together and jointly commit ourselves to provide a life of comfort and convenience for all, nothing will be impossible,” ayon kay Transportation Secretary Art Tugade.
Ayon naman kay BCDA Officer-in-Charge President at CEO Atty. Aristotle Batuhan, “This is a testament to the legacy of the Duterte administration, with the terminal building completed as the first hybrid public-private partnership (PPP) project under the Build Build Build agenda.”
Sa pagsisimula ng operasyon ng bagong CRK terminal, inaasahang mas maraming magbubukas na oportunidad sa employment, investment, tourism, at iba pang socio-economic sectors hindi lamang sa Central Luzon, kundi sa buong bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.