Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang namataang low pressure area (LPA) sa bahagi ng Mindanao.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Ana Clauren, huling namataan ang sentro ng LPA sa layong 305 kilometers Silangan ng General Santos City bandang 3:00 ng hapon.
Nakapaloob ang LPA sa umiiral na Intertropical Convergence Zone (ITCZ).
Mababa pa rin ang tsansa na maging bagyo ang naturang sama ng panahon sa susunod na 48 oras.
Ngunit kasama ang ITCZ, magdudulot ang LPA ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa buong Caraga, Davao region, at Soccsksargen.
Dahil dito, pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa.
Samantala, nakakaapekto naman ang Frontal System sa extreme Northern Luzon. Mataas aniya ang posibilida na makaranas ng mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay malakas na buhos ng ulan ang Batanes at Babuyan Group of Islands.
Patuloy din ang pag-iral ng Easterlies o hanging nagmumula sa Karatagang Pasipiko sa nalalabing bahagi ng bansa.
Dahil dito, nakararanas ng mainit at maalinsangang panahon ang malaking parte ng Luzon at Visayas, kasama ang Metro Manila.