Sumampa na sa 67.9 milyon ang bilang ng mga indibiduwal na fully vaccinated laban sa COVID-19 sa Pilipinas hanggang Mayo 1, 2022.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, katumbas ito ng 75 porsyento ng target population.
Sa nasabing bilang, 6.7 milyong elderly population at 8.9 milyong immunocompromised population ang protektado na laban sa nakahahawang sakit.
Bakunado na rin ang dalawang milyong batang may edad lima hanggang 11 taong gulang at 9.2 milyong kabataan.
Ani Vergeire, patuloy pa ang pagtaas ng datos kasunod ng walang patid na pagbibigay ng bakuna.
Samantala, nasa 13 milyong indibiduwal na ang nakatanggap ng booster shot habang humigit-kumulang 38.7 milyong katao naman ang bilang ng mga hindi pa nakakatanggap nito.
Hinikayat ni Vergeire ang publiko na magpaturok na ng booster shot upang magkaroon ng karagdagang proteksyon habang patungo ang bansa sa tinatawag na ‘new normal.’