De Lima, dapat nang palayain sa lalong madaling panahon – Robredo

Office of Sen. Leila de Lima

Inihayag ni Vice President Leni Robredo na wala nang rason para manatili pa sa kulungan si Senadora Leila de Lima.

Kasunod ito ng pagbawi ng dating Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge na si Rafael Ragos ng kaniyang salaysay sa kasong Bilibid drug trade ng mambabatas.

“Mahigit limang taon nang nakakulong si Senator Leila de Lima, pero kahit isang gramo ng ilegal na droga, kahit isang pahina ng documentary evidence, walang naihain laban sa kanya,” saad ni Robredo.

Dagdag nito, “Ngayon, pati ang mga testimonyang ginamit na batayan ng pagpapakulong kay Sen. Leila ay isa-isa nang binabawi ng mga nagbigay nito.”

Patunay aniya ito ng matagal na niyang iginigiit na walang kaso laban sa senadora.

“Ang tanging kasalanan niya ay ang magsabi ng totoo at ipagtanggol ang karapatan ng mga kapwa natin Pilipino,” saad pa ng bise presidente.

Giit pa nito, dapat nang palayain si de Lima sa lalong madaling panahon.

“Kaisa ko ang bawat Pilipinong naniniwala sa hustisya sa panawagan: Free Leila now,” ani Robredo.

Noong nakaraang linggo, naunang binawi ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa ang mga naging salaysay laban kay de Lima.

Read more...