80 miyembro ng LP, tawid-bakod na sa koalisyon ng Duterte administration

By Kathleen Betina Aenlle May 23, 2016 - 04:55 AM

 

Inquirer file photo

Sumali sa Coalition for Change ng papasok na Duterte administration ang 80 sa 116 na mambabatas ng Liberal Party (LP).

Ito’y sa kabila ng desisyon ng karamihan sa mga miyembro ng LP na hindi umalis sa kanilang partido habang sinusuportahan ang Coalition for Change.

Ayon sa isang source mula sa LP, ang nasabing 80 miyembro ng LP na bumubuo sa halos 70 porsyento ng 116 kandidatong tumakbo bilang Kongresista at nanalo sa ilalim ng partido ang susuporta sa pagiging speaker ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ng PDP-Laban.

Nang malaman ito ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., nag-concede na siya kay Alvarez sa laban ng pagiging house speaker, sa layong mapanatili ang pagiging “single biggest party” ng LP sa Kamara.

Inasahan na kasi ni Belmonte na matatalo lamang siya dahil karamihan sa kanila ay paniguradong susuporta kay Alvarez, pero iginiit niya na sasama siya sa minority kahit hindi niya alam kung gaano karami sa kanila ang makakasama niya.

Dahil dito, mahahati na sa dalawang blocs ang LP, ang isa ay ang majority at ang isa naman ay ang minority na inaasahang pangungunahan ni Speaker Feliciano Belmonte Jr.

Para maging minority leader si Belmonte, kailangan niyang labanan si Alvarez sa pagiging speaker ngunit inaasahan na niya ang pagkatalo.

Ngunit dahil hindi naman lumipat sa PDP-Laban ang karamihan sa miyembro ng LP at sila ay nasa majority, magkakaroon pa rin sila ng pagkakataon na makakuha ng chairmanship sa mga komite.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.