Gobyerno at NDFP, may pinirmahan nang “interim peace agreement”

By Kathleen Betina Aenlle May 23, 2016 - 04:54 AM

 

Kuha ni Arlyn Dela Cruz

Isang “interim peace agreement” ang nilagdaan ng mga komunistang rebelde sa pangunguna ni Jose Ma. Sison at mga kinatawan ng administrasyong Aquino na maaring magsilbing tulong sa pagsusulong nito sa Duterte administration.

Ito ay ang “Joint Agreement on the Resumption of the Formal Talks on the Peace Negotiations between the GPH (Government of the Philippines) and the National Democratic Front of the Philippines (NDFP).”

Nakakuha ang Inquirer ng kopya nito mula mismo sa mga miyembro ng delegasyon ng pamahalaan na ipinadala ni Pangulong Aquino sa The Netherlands noong 2014.

Ang nasabing dokumento ay may lagda nina Sison at matataas na negosyador ng NDFP na sina Fidel Agcaoili, Vicente Ladlad at Danilo Borja, pati na ng mga miyembro ng “secret” delegation ng pamahalaan na sina Hernani Braganza, Jaime Aristotle Alip, Efren Moncupa at Francisco Lara Jr.

Ayon sa isa sa mga delegasyon ng gobyerno, nagulat sila nang lumagda si Sison sa dokumento dahil kailanman noon ay hindi pumirma ang pinuno ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa anumang kahalintulad na kasunduan mula nang matigil ang peace talks sa panahon ni dating Pangulong Cory Aquino.

Nakasaad sa dokumento na pumapayag ang parehong partido na: Muling pagtibayin ang 1992 agreement na The Hague Joint Declaration sa pagitan ng gobyerno at NDFP na nagsilbing frameworl ng simula ng formal peace talks, at na walang kondisyon ang dapat igiit ng anumang partido para simulan ito;

Pagpapabilis sa formal peace talks sa pamamagitan ng pagbuo ng “reciprocal working groups” na mag-aasikaso sa political at constitutional reforms at tatapos sa armadong karahasan, pati na sa kung ano ang gagawin sa New People’s Army (NPA); Bumuo at lumagda ng draft agreement tungkol sa “truce and cooperation” na agad magpapatupad ng ceasefire na tatagal depende sa mga negotiators; Pagbibgay prayoridad sa Comprehensive Agreement on Socioeconomic Reforms na magsasaad ng mga kakailanganin para makamit ang social justice tulad ng bagong land reform program; At ang agad na pag-convene ng working committees on social, economic, political and constitutional reforms.

Dagdag pa ng delegasyon na ang pagpirma ng NDFP sa dokumento noong Dec. 8, 2014 ay hindi lang basta sumasalamin sa kahandaan nilang pumasok sa isang peace agreement, kundi pati na ang pagiging handa nila na magkaroon ng mapayapang buhay ang mga komunistang rebelde, armado man o hindi.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.