Tatlong disqualification case, 290 counts ng vote-buying, plunder hinggil sa kaugnayan sa maanomalyang Pharmally, reklamo sa AMLC at posibleng karagdagang kaso tungkol sa kwestyunableng paggamit ng diumano’y private army sa kampanya. Ilan lamang ito sa mga kaso na ipinukol kay 5th District Quezon City congressional candidate Rose Lin.
Nauna nang nagpalabas ng subpoena ang Commission on Elections (Comelec) upang pagpaliwanagin si Lin sa mga inihaing kaso laban sa kanya. Nakatakda ngayong Mayo 6 at 16 ang preliminary investigations laban kay Rose Nono Lin. Patuloy pa rin ang pag-deny ng kampo ni Lin sa mga isyu na ipinupukol sa kanya at sinasabing fake news lang ang mga ito at ibinibintang kay PM Vargas at Susano.
Nakapaloob sa mga formal complaint ang mga ebidensya na nagpapakita ng aktwal na pamimili ng boto ng mga kampo ni Rose Lin, kasama na ang mismong pag-amin nito sa kanyang mga Facebook Live tungkol sa ginagawang sistema upang makapagpamahagi ng pera na itinatago sa likod ng ayuda at scholarship.
Ayon pa sa mga complainant at mga saksi, naging mas garapalan pa ngayon ang modus ng malawakang vote-buying sa pag lapit ng eleksyon. Sa mga bahay-bahay na umano ng mga tinaguriang lider ni Rose Lin nagaganap ang krimen. Kasama sa mga inihabla ang mga “kasabwat” ni Lin kung saan ang ilan sa kanila ay mga nakaluklok na barangay kagawad ng Distrito 5 na mahigpit na ipinigbabawal ng DILG. Sila ay inaakusahang pumapayag gawing kuta, lungga o kubol ang kanilang mga bahay sa mga operasyong bili boto sa Novaliches, Lagro at Fairview.
Sa pahayag ni Commissioner George Erwin Garcia, ang kaso kay Rose Lin ay magsisilbing babala sa iba pang pulitikong bumili ng boto ngayong papalapit na ang halalan. Patuloy pa rin ang field monitoring sa District 5 ng regional officers ng NBI sa kautusan naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Kamakailan lang nagpahayag si Police Major General Val de Leon, Deputy Commander ng Security Task Force on National and Local Elections, na paiimbestigahan ang paggamit ng private army ni Rose Lin.
Si Rose Lin ay nauna na ring ginisa sa Senado tungkol sa Pharmally Scam. Siya ay asawa ni Lin Wei Xiong, ang Financial Manager ng nasabing maanomalyang kumpanya. Si Lin Wei Xiong ay nasa Dubai at hindi na nagbalik sa Pilipinas. Siya ay tumatakbong independent matapos itong tanggalin ng LAKAS-CMD noong Nov 2021 sa kanilang partido.