Mga mayayamang Kongresista, kakatawan sa mga mahihirap

By Kathleen Betina Aenlle May 23, 2016 - 04:53 AM

 

Inquirer file photo

Kapansin-pansin na marami sa mga mauupong Kongresista na nagsasabing kakatawan sa mahihirap ay mayayamang indibidwal, abogado at kabilang sa ma-impluwensyang mga pamilya sa pulitika.

Sa 46 na party-list groups na nagkaroon ng pagkakataong maglagay ng kanilang mga kinatawan sa Kamara, siyam dito ang mga baguhan.

Kabilang dito ay ang One Patriotic Coalition of Marginalized Nationals (1Pacman), Kabalikat ng Mamamayan (Kabayan), Alliance of Organizations, Networks and Associations of the Philippines (Alona), and Acts-Overseas Filipino Workers Coalition of Organizations (Acts-OFW). Ang Kabuhayan, Serbisyo sa Bayan Party (SBP), Una ang Edukasyon (1-Ang Edukasyon), Manila Teachers’ Savings and Loan Association, Inc. (Manila Teachers) at Kusug Tausug.

Isa sa mga kagulat-gulat na nanalo ay ang 1Pacman na nanalo agad sa unang subok pa lamang, na kakatawanan ng bilyonaryong si Michael “Mikee” Romero at ng business manager ni Manny Pacquiao na si Erick Pineda.

Paliwanag ni Romero na may-ari ng GlobalPort Batang Pier ng Philippine Basketball Association (PBA) at chairman ng Globalport 900 na namamahala sa Manila North Harbor Port Inc., ito ang magiging paraan niya para magbalik ng tulong sa mga mahihirap.

Giit niya pa, ang kaniyang track record ay ang pagiging businessman kung saan maraming Pilipino ang nabigyan niya ng trabaho, na layunin niya rin ng 1Pacman sa Kongreso, bukod sa pagsu-sulong ang pagbuo ng Department of Sports.

Ang grupong Kabayan naman na una nang sumubok sa laban noong 2013 ay kakatawanan ng abogadong si Harry Roque at estudyante nitong si Ron Salo.

Ayon kay Roque, dadalhin niya ang kaniyang pagiging aktibista sa Kamara para isulong ang karapatan ng mga tao sa kalusugan, katarungan, pabahay at kabuhayan.

Nasa tatlong Kongresista naman ang mula sa ma-impluwensyang pamilya tulad na lamang ng asawa ni Quezon province Gov. David Suarez na si Anna Villaraza-Suarez mula sa grupong ALONA.

Pamangkin naman ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. ang magiging kinatawan ng SBP na si Ricardo Belmonte Jr., habang ang anak naman niyang si Christopher ay kongresista ng Quezon City 6th district.

Ang bunsong anak na babae naman ni Vice Gov. Abdusakur Tan ng Sulu na si Shernee Tan ang uupo sa Kongreso para sa grupong Kusug Tausug na magsusulong ng mga karapatan ng mga taga-Sulu.

Samantala ang uupo naman para sa Acts-OFW ay si Aniceto Bertiz na dating OFW at may-ari na ngayon ng isang recruitment agency; Dennis Laogan para sa Ang Kabuhayan, Atty. Salvador Belaro Jr. para sa 1-Ang Edukasyon, at para naman sa Manila Teachers ay ang kanilang CEO na si Virgilio Lacson na dating konsehal ng Malabon na pinatalsik dahil sa “unjustified prolonged absence.”

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.