WATCH: Tito Sotto, tiwala na malaking makukuhang boto sa Cebu

Si Vicente ‘Tito’ Sotto III ang tanging vice presidential candidate na tubong Cebu kayat tiwala ito na malaki ang makukuhang boto sa lalawigan.

Nagbalik muli sa Cebu si Sotto dahil sa pag-endorso at pagsuporta sa kanya ng lahat ng pitong mayor ng ika-pitong distrito ng lalawigan, kasama na ang lahat ng mga lokal na opisyal ng naturang distrito.

Pag-amin ni Sotto, magkakaiba ang kandidato sa pagka-pangulo ng mga naturang opisyal bagamat umaasa siya na sa dakong huli ay mapipili ang kanyang running mate, si independent presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson.

Nabanggit pa nito, tiwala siya na may iba pang mga lokal na opisyal na tahimik na sinusuportahan ang kanyang kandidatura.

Sa Cebu City, dumalo pa sa isang pagtitipon ng mga grupo ng mga kababaihan si Sotto, kung saan sinabi nito na sa hanay ng iba pang mga kandidato, angat sila ni Lacson sa usapin ng karanasan at kakayahan.

“Matagal na kami ni Sen. Lacson sa paglilingkod sa bayan, alam na naming ang mga problema at alam na rin naming ang solusyon,” diin ni Sotto sa kanyang talumpati.

Samantala, sinabi ni Sotto na haharap siya sa panel interview ng Commission on Elections (Comelec) sa susunod na linggo.

Pag-amin niya sa mga nakalipas na vice presidential debates ay may mga isyu na hindi naitanong sa kanya, ngunit malinaw, komprehensibo at konkreto ang kanyang isasagot.

Ibinigay nitong halimbawa, ang isyu sa droga, na aniya ay may malinaw siyang ilalatag na mga solusyon.

“I realized that we should work on drug-resistant Philippines and not a drug-free Philippines,” aniya.

Narito ang pahayag ni Sotto:

Read more...