DILG, PNP handa na sa May 9 elections

May 10 araw bago ang eleksyon, todo-handa na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Philippine National Police (PNP).

Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni DILG Undersecretary spokesman Jonathan Malaya na titiyakin ng kanilang hanay na magkaroon ng kaayusan, tahimik at mapayapang eleksyon sa Mayo 9.

Hindi lang aniya ang peace and security ang babantayan ng kanilang hanay kundi ipatutupad rin ang minimum public health standards para makaiwas sa sakit na COVID-19.

Sa ngayon, sinabi ni Malaya na nasa 16,820 PNP personnel ang nakatalaga para sa election duties.

May karagdagang 41,965 na personnel ang nakatalaga sa 5,431 na checkpoints sa buong bansa.

Mayroon din aniyang itinalaga ang PNP na dalawang mobile force units saa bawat probinsya para agad na makaresponde sa kahit na ano mang posibleng karahasan sa araw ng eleksyon.

“Sa mga hotspots naman, nakapagdagdag na po tayo ng additional police units sa 104 municipalities and 14 cities na na-identify ng Comelec to be under the red category in the election hotspots,” pahayag ni Malaya.

Kahit aniya nahaharap ang bansa sa pandemya, hindi opsyon na suspindehin ang eleksyon.

“The suspension of the elections is not an option. And kaya po para masiguro natin na tuluy-tuloy ang ating eleksyon kahit sa harap ng pandemic, kahit tayo ay under a pandemic, mayroon pong binuong New Normal Committee ang Commission on Elections sa pangunguna ni Commissioner Aimee Neri, at kami po sa DILG ay kasama diyan sa komiteng iyan ‘no,” pahayag ni Malaya.

Ayon kay Malaya, magkakaron ng symptoms checking sa lahat ng mga botante sa mga presinto sa buong bansa.

Ang mga makikitaan ng sintomas ay ililipat sa isolation polling place na nakatayo sa loob mismo ng eskuwelahan o polling center.

Read more...