Rose Lin ipina-subpoena ng Comelec kaugnay sa vote buying

Nagpalabas na ng subpoena ang Commission on Elections (Comelec) kay Quezon City 5th District congressional candidate Rose Lin tungkol sa mga alegasyon ng vote buying laban sa kanya. Ayon sa Law Department ng Comelec, ang subpoena ay may kaugnayan sa paglabag ni Lin at 16 pang indibidwal na diumano ay kasabwat nito, sa Omnibus Election Code tungkol sa pamimili ng boto. Binigyan ang kampo ni Lin hanggang May 16 upang mag-sumite ng kanyang sagot sa ibinabato sa kanyang 237 counts ng vote buying. Mayroon pang nakabinbin na vote-buying case si Lin sa Quezon City Prosecutor’s Office, at tatlong kaso ng disqualification na nakasampa na rin sa Comelec kung saan sa isa ay hinihiling ang kanyang diskwalipikasyon dahil sa kanyang non-residency. Ayon sa formal complaint, lumipat lang si Lin sa Novaliches nitong papalapit na ang eleksyon noong taong 2020. Ayon naman sa isa sa mga complainant na si Timoteo Salaguste na kumakatawan sa PWD Sector ng QC, ipinagpapatuloy pa rin ni Lin ang kanyang pamimili ng boto sa kabila ng kaliwa’t kanang kaso sa kanya. “Iniiba iba ng kanyang kampo ang strategy ng vote-buying. Madalas itong gumagamit ng mga luma at abandonadong warehouse para sa malakihang pagbabayad sa boto sa mga Novaleñong botante. Minsan naman ginagawa nilang house-to-house ang kanilang operasyon,” ayon kay Salaguste. Sinasabi rin ng mga testigo na sa pagpapatuloy ng vote buying sa District 5, mahigpit na binabantayan ang mga botante na pumapasok sa kanilang mga payout location. Pinapasurrender na rin daw nila ang mga cellphone, relo at pati ballpen para maiwasan na makuhanan ng bagong ebidensya tungkol sa kanila. “Pero katulad ng dati, ipinapalabas ng kampo ni Lin na ayuda ang ibinibigay nilang pera. Sinasabi rin nilang fake news ang mga alegasyon tungkol sa kanyang matinding vote-buying,” ani alyas Jen, na isa pa sa mga testigo. “Tinatantyang humigit kumulang 5 libong tao araw araw ang tumatanggap ng tig P500 sa pinakamababa mula dito sa kandidatong ito,” dagdag pa niya. Bago pa man ang mga nagpatong-patong na kaso ni Lin sa Comelec, napatawan din siya ng warrant of arrest ng Senado dahil sa pag-tatago nito at pag iwas humarap sa mga hearing tungkol sa maanomalyang Pharmally scandal. Kinakaharap din niya ang plunder case sa Ombudsman. Si Lin ay asawa ni Lin Wei Xiong, ang Financial Manager ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na nakapag-bulsa diumano ng multi billion pesos na kontrata sa gobyerno noong pandemya.

Read more...