Nagtakda ng guidelines ang Department of Education (DepEd) para sa pagsasagawa ng face-to-face graduation ceremonies.
Sinabi ni Education Undersecretary Diosdado San Antonio, ito ay ginawa para sa kaligtasan ng mga estudyante, magulang, guro at iba pang kawani ng eskuwelahan.
Nabatid na sa darating na Hunyo 24 magtatapos ang School Year 2021 – 2022 kayat ang mga tinatawag na ‘end of school rites’ ay maaring itakda ng mga paaralan ng Hunyo 24 hanggang Hulyo 2.
Makakapagsagawa ng limited graduation ceremony sa mga paaralan na nasa ilalim ng Alert Level 1 at 2.
Kailangan, ayon pa rin kay San Antonio, ay nakasuot ng mask sa lahat ng oras ang mga dadalo at may isang metro silang pagitan.
Dagdag pa nito, tanging ang mga magulang o guardian lamang ang maaring sumama sa graduate at kailangan magtakda ng upuan para sa lahat.
Samantala, ang mga eskuwelahan na walang face-to-face graduation rites ay maari naman magkaroon ng ‘virtual graduation’ at i-broadcast na lamang sa social media platforms.