Ika-limang biktima sa concert sa Pasay, nasawi na rin

By Isa Avendaño-Umali May 22, 2016 - 05:57 PM

police-line-0815(Update) Lima na ang kumpirmadong patay sa naganap na concert o music festival sa SM Mall of Asia Concert Ground sa Pasay City, madaling araw ng Linggo.

Unang nai-ulat na nasa kritikal na kondisyon ang biktimang si Ken Migawa, ngunit pumanaw na rin ito Linggo ng gabi.

Kabilang sa apat na iba pang nasawi ay isang Amerikanong si Erik Anthony Miller, 33-anyos; Bianca Fontejon, 18-anyos; Eric Leal at Lance Garcia, na pawang mga nakitang naka-bulagta sa iba’t ibang bahagi ng venue.

Sa panayam ng Agence France-Presse sa imbestigador na si Giovanni Arcinue, tinitingnan na ng mga otoridad ang posibilidad na dehydration o heatstroke ang ikinasawi ng mga biktima dahil sa sobrang init ng panahon sa bansa.

Masyado pa rin aniyang maaga para sabihing droga ang dahilan ng pagka-sawi ng mga ito, tulad ng kumakalat sa social media na uminom umano ang mga biktima ng alak na may halong ecstasy at shabu.

Naglabas na rin ng Close-up Philippines, kasama ng kanilang organizing agency na Activations Advertising at Eventscape na kanilang staging agency kaugnay sa pangyayari sa kanilang event.

Ayon sa pahayag, ikinalungkot nila na nangyari ang insidente sa kabila ng mahigpit nilang mga patakaran para sa kaligtasan ng mga attendees.

Iginiit naman nila na alinsunod sa kanilang protocols, agad nilang dinala sa ospital ang mga biktima.

Nakikiramay rin ang kumpanya sa pamilya ng mga nasawi at tiniyak ang pagbibigay nila ng suporta sa kanila, pati na rin ang pakikipagtulungan sa mga otoridad sa isinasagawang imbestigasyon.

Inanunsyo rin ng SM Mall of Asia na makikipag-tulungan rin sila sa imbestigasyon ng insidente dahil nangyari ito sa kanilang venue. / Kathleen Betina Aenlle, Isa Avendaño-Umali

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.