‘No holds barred’ ang panel interview sa presidential at vice presidential candidates – Comelec

Photo credit: Office of Chairman Saidamen Pangarungan

Walang public relations o PR na tanong at ‘no holds barred’ ang panel interview na gagawin ng Commission on Elections (Comelec) at Kapisanan ng mga Brodkaster mg Pilipinas (KBP) sa mga presidential at vice presidential candidates na gagawin sa Mayo 2 hanggang 6.

Ayon kay Comelec Commissioner George Erwin Garcia, ‘taped as live’ at wala nang edit-edit ang panel interview.

Sinabi pa ni Garcia na hindi na nila tatanungin ang mga kandidato kung ano ang kanilang mga plataporma bagkus ay tatanungin kung bakit iyon ang kanilang piniling plataporma.

Mga batikang mamamahayag at panelista aniya ang magtatanong sa mga kandidato.

Sa ngayon, limang kandidato sa pag-kapangulo pa lamang ang nagkumpirmang dadalo sa panel interview.

Hanggang 5:00, Huwebes ng hapon (Abril 28) aniya ang deadline ng pagbibigay ng abiso ng mga kandidato kung dadalo o hindi.

Hinihikayat ni Garcia na dumalo ang mga kandidato dahil malaking tulong ang isang oras na panel interview para maipaabot at mahikayat ang mga botante na iboto sila.

Una rito, sinabi ng kampo ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi siya dadalo sa panel interview.

Read more...