Pangulong Duterte, hindi dadalo sa Asean-US Special Summit
Hindi dadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa Asean-US Special Summit na gagawin sa Amerika sa Mayo 11 hanggang 13.
Ito ang kinumpirma ni Pangulong Duterte sa ‘Talk to the People,’ Martes ng gabi (Abril 26).
Paliwanag ng Pangulo, nagpasya siyang tanggihan ang imbitasyon ng Amerika dahil sa mga petsang iyon ay tapos na ang eleksyon sa bansa at malalaman na kung sino ang susunod na pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na bagamat hindi pa napoproklama ang susunod na pangulo, hindi na magandang tingnan na siya pa ang dadalo sa okasyon gayung malinaw na naman na may papalit na sa kanya.
Dagdag ni Pangulong Duterte na baka may mga mabuong agreement o commitment doon na kanyang tindigan at sa bandang huli pala ay iba sa magiging paninindigan ng papalit sa kanya na pangulo.
Kaugnay nito, sinabi ng Pangulo na kanyang inutusan sina Executive Secretary Salvador Medialdea at Defense Secretary Delfin Lorenzana para ipaabot ang kanyang naging pasiya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.