Panukala sa permanent evacuation centers, itinutulak ni Sen. Go
Muling umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa pagpapasa ng panukala na layong makapagpatayo ng permanenting evacuation centers sa bawat lungsod, bayan at lalawigan sa bansa.
“Kapag dumating ang malakas na bagyo o kung anumang sakuna sa mahihirap po talaga malakas ang epekto nito. Kada taon, ibat-ibang krisis ang hinaharap ng Pilipinas kaya naman dapat mabilis ang aksyon ng gobywrno upang mapaghandaan at maprotektahan ang buhay at kapakanan ng mga Filipino,” sabi ni Go.
Sinabi nito na ang itatayong permanent evacuation centers ay may sapat na emergency packs, gamot at relief goods, bukod sa maayos na tutulugan.
Noong 2019, inihain ni Go ang Senate Bill No. 1228 o ang Mandatory Evacuation Center Act base sa mga naobserbahan niya sa kanyang paghahatid tulong sa mga biktima ng kalamidad.
Dagdag pa ni Go, hindi sapat ang mga pasilidad para gamiting evacuation centers ang mga eskuwelahan, barangay centers, gymnasiums, basketball courts at town plaza.
“Tinamaan na nga ng bagyo, nagsisiksikan pa sa temporary shelters habang may pandemya. Nakakaawa ang ating mga kababayan. Huwag na natin pahirapan ang naghihirap na. Solusyonan na dapar natin bago pa dumating ang panibagong sakuna,” giit ni Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.