Nangangamba ang Koalisyong Novalenyo sa umiinit na laban ng mga kandidato sa District 5 ng Quezon City. Ito’y matapos silang maghain ng 290 bilang ng vote buying sa Commission on Elections (Comelec) kung saan ibinintang ng kampo ni Rose Lin na fake news at pakana raw ito ng kanyang mga kalaban.
“Kami po ay nababahala sa mga aksyon ni Rose Lin. Bukod pa sa malawakang Vote-Buying, meron etong Private Army na nakapaligid sa kanya pag nag-iikot sa kanyang kampanya! Naaalarma ang mga taga Novaliches kasi ngayon lang nangyari ang ganito may kandidatong mga private army dito! Hindi bababa sa walong armado ang nakapaligid kay Rose Lin palagi at ang mga ito ay galing umano sa Isabela. Ang alam namin dalawa lang ang allowed na escort ayon sa batas. Bakit kailangan niya ng private army eh mapayapa naman dito at maayos naman ang mga Novaleño? May kaaway ba siya? May pinagtataguan ba siya? Bakit tila takot siyang lumabas mag-isa sa Novaliches?,” ani Ted Lazaro, isa sa mga convenor ng Koalisyong Novalenyo.
Nagbabala naman si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulitiko na sumunod sa patakaran ng Comelec at sa tinatawag na “Alunan Doctrine,” kung saan dalawa lamang ang dapat na bodyguard sa kampanya bawat kandidato.
Sinabi ni President Duterte na paglampas na sa dalawa, maitutulong na itong private army at, “ipaaresto ko ang kandidato at mga armadong kasama nito.”
Sinabi ng Pangulo na hihigpitan ang pagpapatupad nito upang maiwasan ang karahasan.
Nanawagan ang Koalisyong Novaleño Kontra Korapsyon ng Novaliches sa Malacañang, DILG, PNP at Comelec na maigting na ipatupad ang anunsyo ni Presidente Duterte patungkol sa private army ni Rose Lin.
Kiniwestyun din nila kung bakit kailangan ni Rose Lin ang ganun kadaming armadong kasama, gayung ‘peaceful and orderly’ naman ang mga eleksyon sa Novaliches ng nakaraang mga taon. Dagdag ni Lazaro na nadokumento na nila ang mga armadong tao at isusumite nila eto sa Comelec.
Sinabi naman ni Comelec Commissioner George Garcia na handang magsampa ng kaso ang ahensya mismo laban sa mga kandidato kung makita nitong na lalabag ang mga batas pang eleksyon.
Nagpaikot na ang Comelec ng mga ahente nito sa District 5 ng Quezon City upang imbestigahan ang mga reklamo laban kay Rose Lin.