Hinimok ni Maguindanao Governor Esmael Toto Mangudadatu si incoming President Rodrigo Duterte na irekunsidera ang pagkakatalaga kay Atty. Salvador Panelo bilang Presidential Spokesperson.
Ayon kay Mangudadatu, ‘disgusting’ o nakakasuklam na parte si Panelo ng Duterte administration.
Paalala ng Gobernador, si Panelo ay nagsilbing isa sa mga counsel ng mga pangunahing suspek sa karumal-dumal na Ampatuan Massacre sa Maguindanao, noong 2009.
Matatandaan na sa limampu’t walo na mga pinaslang, tatlumpu’t isa ay mga mamamahayag, habang namatay din ang misis ni Mangudadatu.
Dagdag nito, napakarami namang mahuhusay na abogado sa bansa na pwedeng maging alter ego ni Duterte.
Ani Mangudadatu, sana raw ay maisip ni Duterte na may iba pang abogado na may kredibilidad, taliwas sa ipinapakita ni Panelo.
Nauna nang inalmahan ng Justice Now Movement, samahan ng mga biyuda at kaanak ng mga biktima ng Ampatuan massacre, ang hakbang ni Duterte na maisama si Panelo sa kanyang administrasyon.