Tutok to Win Partylist tututukan ang pabahay, edukasyon, kabuhayan at kalusugan

Kuha ni Jan Escosio/Radyo Inquirer On-Line

Ibahagi sa kapwa ang mga biyaya ng Dakilang Lumikha.

Ito ang aral na isinasabuhay ng kilalang negosyanteng si Sam ‘SV’ Verzosa, ang 1st nominee ng Tutok to Win Partylist group.

Sa kanyang grand campaign rally sa lugar sa Sampaloc, Maynila kung saan siya nakipagsapalaran sa buhay, naibahagi ni Verzosa na ang tunay na paglilingkod sa kapwa ay ang pagbabahagi sa iba ng mga biyaya ng kaloob ng Dakilang Lumikha.

“Ako ang lagi kong iniisip bukod sa huwag kang makakalimot sa pinanggalingan mo, i-share mo kung anuman yung blessings na ibinigay sa ‘yo ng nasa Itaas,” pagbabahagi ni Verzosa.

Hindi naman maitanggi ni Verzosa na dahil sa mga dumating na oportunidad at sa kanyang pagsusumikap ay napalago niya nang husto ang itinatag na Frontrow Phils., ang nangungunang multi-level direct selling company ng health and beauty products sa buong Asya.

Ayon pa sa 29-anyos na Civil Engineering graduate ng UP – Diliman, natuto siyang tumulong at magsilbi sa mga lubos na nangangailangan na mga Filipino kay TV host Willie ‘Kuya Wil’ Revillame.

“Natatandaan ko sabi ni Kuya Wil, puwede mong ituloy ang pagtulong sa malaking plataporma, sa bigger scale na sinasabi niya. Ngayon nakakatulong tayo, pero sa tingin kung mayroon tayong partylist, may representation tayo sa Congress mas malawak pa ‘yung matutulungan natin, mas marami pa tayong maabot na kababayan natin,” sabi pa ni Verzosa.

Kuwento pa nito, mas namulat siya sa mga pangangailangan ng maraming Filipino nang tumama ang pandemya dulot ng COVID-19.

At ang unang hindi pinabayaan ni Verzosa ay ang kanyang mga kalugar sa Barangay 130 sa Sampaloc sa pamamagitan nang pagbibigay ng mga ayuda at pangangalaga sa kanilang kalusugan.

Naibahagi rin nito na kung sakaling palarin sa Mayo 9, tututukan ng Tutok to Win Partylist ang pabahay, kabataan, edukasyon, kalusugan at kabuhayan.

“Unang araw pa lang naming sa Congress, isusulong ko na ang sustainable community, kung saan ang mga komunidad sa urban areas ay may mga pabahay para sa mga mahihirap, may ospital, may eskuwelahan at mayroon silang kabuhayan,” diin pa ni Verzosa.

Aniya, kapag nagawa nila ang ‘sustainable community’ sa urban areas, kanilang gagawin ito sa iba pang mga lugar.

Samantala, daan-daang ang dumalo sa grand campaign rally ng Tutok to Win at marami din mga personalidad, tulad ng mga nasa showbiz, ang nagpunta bilang patunay ng kanilang paniniwala sa adbokasiya nina Verzosa.

Read more...