Binuksan na ng Deparment of Agrarian Reform ang P8.4 milyong halaga ng Kinamandagan-Tignao bridge sa Lazi, Siquijor.
Ayon kay Agrarian Reform Secretary Bernie Cruz, malaki ang maitutulong ng tulay para mapaunlad ang kalakalan at komersiyo ng mga magsasaka at residente roon.
Naipagawa ang tulay sa ilalim ng Tulay ng Pangulo Para sa Kaunlarang Pang-Agraryo (TPKP) program.
“Ang tulay na ito ay itinayo bilang tugon sa kahilingan ng mga magsasaka na bigyan sila ng mas madaling daan upang makatawid sa ilog sa pagdadala ng kanilang mga ani at produkto sa mga pamilihan,” pahayag ni Cruz.
Binigyang-diin din ni Cruz na mahalaga ang pangangalaga at pagpapanatili ng tulay upang tumagal ng mahabang panahon ang proyekto.
“Lagi po naming ibinibilin sa pagtatapos ng proyekto na nasa pangangalaga na ninyo ang proyekto. Pangalagaan at panatilihing nasa maayos na kondisyon ang proyekto para mas marami pang henerasyon ang makinabang,” pahayag ni Cruz.
Sinabi ni Leonita Ates, Barangay Kagawad ng Kinamandagan, na dati, karamihan sa mga magsasaka at residente na kailangang maghatid ng kanilang mais o gulay sa palengke ay nahihirapang tumawid sa ilog dahil mayroon lamang itong tulay na gawa sa kahoy na pinagdugtong-dugtong. Ito aniya ay napaka delikado.
Nasa 7,000 residente mula sa walong barangay ang makikinabang sa tulay, kung saan 252 ang agrarian reform beneficiaries.