Mandatory evacuation center itinutulak ni Senador Bong Go
Napapanahon na para magtayo ng mandatory evacuation center sa bansa.
Pahayag ito ni Senador Bong Go matapos masalanta ang ilang lugar dahil sa Bagyong Agaton kung saan mahigit 200 katao na ang nasawi.
Ayon kay Go, mahalaga na magkaroon ng evacuation center para matiyak na ligtas ang mga residente lalo na kung may paparating na bagyo o iba pang uri ng kalamidad.
“Kapag dumating ang malakas na bagyo o kung anumang sakuna, sa mahihirap po talaga malakas ang epekto nito. Kada taon, iba’t ibang krisis ang hinaharap ng Pilipinas kaya naman dapat mabilis ang aksyon ng gobyerno upang mapaghandaan at maprotektahan ang buhay at kapakanan ng mga Pilipino,” pahayag ni Go.
“Kaya napaka importante po na tayo ay makapagpatayo ng mga safe, permanent, and dedicated evacuation centers na may sapat na emergency packs, tulad ng maayos na tulugan, tubig, gamot, at iba pang relief goods. Nakahanda na dapat ito kahit wala pang sakuna,” dagdag ng Senador.
Una nang naghain si Go ng Senate Bill No. 1228 o Mandatory Evacuation Center Act noong 2019.
“Tinamaan na nga ng bagyo, nagsisiksikan pa sa temporary shelters habang may pandemya. Nakakaawa ang ating mga kababayan. Huwag na natin pahirapan ang naghihirap na. Solusyunan na dapat natin bago pa dumating ang panibagong sakuna,” pahayag ni Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.