Umiiral pa rin ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa Katimugang bahagi ng Mindanao.
Ayon kay PAGASA Weather Forecaster Daniel James Villamil, asahan ang maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa ilang parte ng Mindanao dahil sa nasabing weather system sa susunod na 24 oras.
Partikular na maaapektuhan nito ang Davao region at SOCCKSARGEN.
Samantala, Easterlies o hanging nagmumula sa Karagatang Pasipiko naman ang umiiral sa nalalabing bahagi ng bansa, kabilang ang Metro Manila.
Ayon kay Villamil, patuloy na mararanasan ang mainit at maalinsangang panahon sa ilang parte ng bansa sa mga susunod na araw.
Ngunit, maari pa rin aniyang makaranas ng mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorm sa hapon o gabi.
Sinabi rin ng PAGASA na walang inaasahang low pressure area (LPA) o bagyo na makakaapekto sa bansa sa susunod na tatlo hanggang limang araw.