Inendorso na ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagtakbo ni Vice President Leni Robredo sa pagka-pangulo at ni Senador Francis Pangilinan sa pagka-bise presidente.
Ayon sa labor group, nagmula ang endorsement matapos ang konsultasyon sa KMU federations, regional chapters, affiliate unions, at member-organizations.
“Itinataya namin ang buong kasapian mula sa mga lokal na unyon, alyadong pederasyon, mga balangay sa rehiyon, at mga pangmasang organisasyon para ikampanya, iboto at ipanalo sila VP Leni at Senator Kiko,” pahayag ni KMU secretary general Jerome Adonis.
Inaayos na ng grupo ang pagpirma sa union board resolutions upang mapagtibay ang naturang desisyon ng KMU.
“Tinataya ko ang aking kandidatura sa masigla, masigabo, seryosong pagsuporta at pagpanalo kina VP Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan,” saad naman ni KMU Chair Elmer Labog, senatorial candidate sa ilalim ng Makabayan, Labor Vote, at 1Sambayan.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nag-endorso ang KMU ng kandidato sa eleksyon simula nang mabuo ang labor group noong 1980.