Valedictorian ng PNPA , binigyan ng house and lot ni Pangulong Duterte
Binigyan ng house and lot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang valedictorian ng Philippine National Police Academy Class “Alab-Kalis” Class of 2022.
Sa talumpati ng pangulo sa 43rd Commencement Exercises ng PNPA sa Silang, Cavite, sinabi nito na makatatanggap ng house and lot mula sa Camella Homes si Police Cadet Ernie Padernilla.
Binigyan naman ng baril na kalibre .45 ang class goat na si Police Cadette Jotham Balilis Guminigin.
Samantala, binigyan ng pardon mula sa mga punishments at demerits ni Pangulong Duterte ang mga estudyante ng PNPA Class 2022 hanggang 2025.
“I, Rodrigo Roa Duterte, President of the Republic of the Philippines, hereby pardon all outstanding punishments and demerits of the Class 2022, Class 2023, and Class 2024, and Class 2025 of the Cadet Corps of the Philippine National Police Academy, effective today,” pahayag ng Pangulo.
Nagbiro pa ang Pangulo na ngayong nabigyan na ng pardon ang mga ito, maari na gumawa ng bagong kasalanan.
“You know, you took your oath of office as a government worker. Tandaan ninyo ‘yan, government worker tayong lahat. Bayad tayo ng mga tao sa Pilipinas kaya tayo nandito. Each and everyone of us has something to give to the country. Isa lang ang gusto kong hindi ninyo makalimutan, you took your oath of office at sabihin ko sa inyo legal man o ano whatever be administrative or otherwise, you’re in the course of your duty,” pahayag ng Pangulo.
Dapat aniyang tiyakin ng mga ito na sumunod sa batas.
“I would like to express to you now na ‘yung tama lang. Do not go out of your legal parameters. Iyong tama lang na trabaho ng pulis pati alam niya ang obligasyon sa taong-bayan,” pahayag ng Pangulo.
“We do not have any superiority with anybody. All of us are government workers and are expected really to work for the people,” dagdag ng Pangulo.
Ang Alab-Kalis ay nangangahulugan ng Alagad ng Batas na Kakalinga sa Sinilangang Bayan.
Nasa 229 na kadete ang nagtapos sa Alab Kalis Class of 2022.
Sa naturang bilang, 206 ang magiging miyembro ng PNP, 12 sa Bureau of Jail Management and Penology, at 11 sa Bureau of Fire Protection.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.