MMDA: 10pm – 5am window hours ng provincial buses alam ng operators

Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na alam ng provincial bus operators ang muling pagpapatupad ng ‘window hours’ na alas-10 ng gabi hanggang ala-5 ng madaling araw.

Paliwanag ni MMDA Chairman Romando Artes nitong nakalipas na Semana Santa pinagbigyan ang pakiusap ng mga operators na magamit nila 24/7 ang kanilang mga terminals sa Metro Manila hanggang noong Linggo, Abril 17.

Dahil sa dagsa ang mga pabalik ng Metro Manila mula sa mga probinsiya, pinalawig hanggang nitong Martes, Abril 19, ang kasunduan kayat kahapon ay ibinalik ang pagpapatupad ng window hours.

Dagdag pa ni Artes hindi naman pinagbabawalan ang provincial buses na bumiyahe palabas at papasok ng Metro Manila basta gagamitin nila ang integrated terminals, North Luzon Express Terminal sa Bocaue, Bulacan at Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Parañaque City.

Paglilinaw pa ng opisyal, ang kanilang mandato ay ipatupad lamang ang mga polisiya at regulasyon at itinuro nito ang Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board na may hurisdiksyon sa mga provincial buses.

Read more...