Pagtutulungan at teknolohiya, susi sa pag-unlad ng land transport system sa BARMM

Contributed photo

Kasabay ng transition period ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sinimulan na rin ang pagtatatag ng Ministry of Transportation and Communications (MOTC).

Nagsisilbi ang MOTC bilang tagapangasiwa ng mga polisiya, batas, at regulasyon ng Bangsamoro government kaugnay sa transportasyon at komunikasyon.

Naniniwala ang MOTC na susi ang pagkakaroon ng mga katuwang upang mas mapadali ang pagtugon sa mga balakid na dulot ng transition period.

Noong Nobyembre 2021, pumirma ng kasunduan ang MOTC sa information technology (IT) company na STRADCOM upang makatulong sa pag-oorganisa at pag-automate ng sistema sa BARMM Land Transportation Office (BLTO).

Ang STRADCOM ang nasa likod ng pag-automate ng proseso at sistema ng LTO.

Ayon kay BLTO Regional Head Anwar Upahm, pinili ang STRADCOM dahil sa subok na kakayahan sa automation kagaya ng ginawa nito sa LTO.

Ang STRADCOM ang bumuo ng mga naka-install sa mga opisinang ite-takeover ng BLTO kung kaya mas magiging madali na ang transition.
Ayon pa kay Upahm, systematic, user-friendly, at compatible sa internet speed sa BARMM ang naturang sistema.

Nagbibigay rin ng on-site support ang STRADCOM at regular na koordinasyon sa mga kawani ng BLTO para sa kanilang pang araw-araw na operasyon.

Sa ngayon, apat sa walong LTO sites ang nasa ilalim na ng BLTO, kabilang ang Bongao Extension Office sa Tawi-Tawi, Jolo District Office sa Sulu, at Cotobato District Office at Cotobato Licensing Center sa Cotobato City.

Ilan pa sa LTO sites na nakatakdang i-turnover sa taong 2022 ang Maguindanao District Office, Datu Abdullah Sangki Extension Office sa Maguindanao, Marawi City District Office, at Wao Extension Office sa Lanao del Sur.

Pinag-iisipan na rin ng BLTO ang pagtatayo ng mga bagong opisina para mas mapalapit ang kanilang serbisyo sa mas marami pang Bangsamoro.

Read more...