Senate probe sa ‘missing sabungeros,’ tinapos na ni Sen. dela Rosa
Naniniwala si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na nagkaroon kahit konting linaw ang mga kaso ng pagkawala ng higit 30 sabungero simula noong nakaraang taon.
Kasunod ito nang pagtatapos ng pagdinig ng pinamumunuan niyang Senate Committee on Public Order ukol sa mga nawawalang sabungero.
Inilatag na rin ni dela Rosa ang mga paunang rekomendasyon base sa mga testimoniya sa mga pagdinig at inuna niya ang pagkakaroon ng batas para sa regulasyon ng operasyon ng online sabong, kasama na ang pagsasagawa na lamang nito tuwing araw ng Linggo at legal holidays.
Dapat din aniyang matiyak na hindi makakataya ang mga menor de edad sa pamamagitan ng money transfer facilities at dapat din aniyang magkaroon ng batas sa pagbibigay ng pabuya sa mga testigo sa mga krimen.
Kailangan din aniyang pabigatin ang parusa ng ‘obstruction of justice’ base sa PD 1829 at dapat aniya may batas din na titiyak na palalagyan ng mga lokal na pamahalaan ng security cameras ang lahat ng establisyemento, lalo na ang mga sangkot sa sugal.
Dagdag pa ni dela Rosa, dapat ay maaring gawing basehan ng PAGCOR sa pagsuspinde o kanselasyon ng lisensiya ng gambling operators kung napatunayan ang kanilang pagpapabaya o pagtanggi na makipagtulungan sa pag-iimbestiga ng awtoridad.
Dapat din aniyang agad na masingil ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang e-sabong operators ng mga buwis.
Tiniyak naman nito na mabibigyan ng hustisya ang pagkawala ng mga sabungero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.