Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan na ituloy ang pagsasagasa ng search and rescue operation sa mga biktima ng Bagyong Agaton sa Leyte.
Sa ‘Talk to the People,’ sinabi ng Pangulo na base sa kanyang pagkakaalam, search and retrieval na ang gagawin ng pamahalaan.
Pero ayon sa Pangulo, marami pang biktima ng bagyo ang hindi pa nahahanap kung kaya dapat pang ituloy ang search and rescue operation.
“Well, they are saying that we are still looking for the missing persons until now. Wala na ‘yung search and — retrieval na lang pero sabi ko you continue. Maraming natabunan ‘yung mga tao at they cannot be accounted for at least individually pero ‘yung may wala,” pahayag ng Pangulo.
Ikinalungkot din ng Pangulo ang isang batang lalaki na nakaligtas sa bagyo subalit nasawi naman ang pamilya.
“And the sad part there is when I went to the hospital. Iyong mga bahay siya na tinamaan. Maraming nawala sa pamilya nila and there was this young boy badly wounded nabati ah — pati ‘yung paa nabali. Siya na lang mag-isa. So there were relatives there present but they told me a sad story that eh ‘yung tatay, nanay, pati the rest, naano, nawala. Siya lang ‘yung buhay na mag-isa. So buti’t naman may mga relatives na nandoon at giving the child comfort of his — what he lost in this world, ” pahayag ng Pangulo.
Utos ng Pangulo, tiyaking sapat ang suplay ng pagkain sa mga biktima ng bagyo.
Pagtitiyak ng Pangulo, kaagapay ng mga biktima ng bagyo ang pamahalaan para makabalik sa normal na pamumuhay.
“At ang guidance ko sa mga taga-gobyerno is sa pagkain wala namang problema. Habang may wala pang — hindi pa nakapag-set up ‘yung mga tao normally, we will continue with our ‘yung pagkain. Sabi ko for as long as it is needed we will be there for you,” pahayag ng Pangulo.
Base sa pinakahuling talaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 172 katao ang nasawi sa bagyo.
Binisita ng Pangulo ang mga biktima ng bagyo sa Capiz noong Biyernes Santo, Abril 15, habang noong Sabado de Gloria, Abril 16, naman binisita ng Pangulo ang mga biktima sa Baybay, Leyte.