Ayon kay Atty. Jeffrey David, abogado ni Ginang Rose Nono Lin, hindi naman kasi obligado ang mga magulang na mag-apply ng personal para sa scholarship ng kanilang mga anak kundi mismong ang mga estudyante na mag-a-avail ng programa.
Sinabi ni Atty. David na hindi naman botante ang mga mag-aaral na nag-a-apply ng scholarship kaya hindi ito maituturing na vote buying.
Iginiit din ni Atty. David na noon pa namimigay ng scholarship si Ginang Lin sa District 5 ng Quezon City bago pa ang panahon ng eleksyon kaya malinaw aniyang pamumulitika ang akusasyon.
Nilinaw din ni Atty. David na hindi galing sa pondo ng gobyerno ang scholarship na pinamimigay ni Lin dahil hindi naman ito nakapwesto sa gobyerno.
Hindi rin aniya kasalanan ni Lin kung marami ang nag-avail ng programa dahil nabigo aniya ang mga residente ng District 5 nang wala silang mapala sa pangakong scholarship ng mga nakaupong opisyal.
Kinuwestiyon din ng kampo ni Lin kung bakit hindi nagawa ng incumbent officials ng District 5 ang katulad na programa gayung nasa kanila ang lahat ng resources dahil sila ang kasalukuyang nakaupo sa pwesto.
Hinamon pa ni Atty. David ang accusers ni Lin na tanungin ang mga batang naka-avail ng kanilang scholarship program kung paano nito nabago ang kanilang pananaw sa buhay.