Natalong kandidato sa Bocaue dahil sa coin toss, nag-reklamo

May 21, 2016 - 04:11 AM

Villanueva and ValerioNaghain na ng protesta ang kandidato sa pagka-alkalde sa Bocaue, Bulacan na si Jim Valerio laban sa katunggali at ngayo’y Mayor-elect Joni Villanueva.

Inirereklamo ni Valerio ang kaniyang pagka-talo sa pamamagitan ng coin toss na isinagawa dahil nag-tabla sila ni Villanueva sa nakuhang boto na 16,694.

Ayon kay Valerio, nagkaroon di umano ng pandaraya sa bilangan kaya nauwi sa tabla ang boto nila ni Villanueva, dahilan para mangailangan ng ibang pamamaraan para matukoy kung sino ang mananalo.

Nais rin ni Valerio na bawiin ang proklamasyon kay Villanueva dahil wala naman aniya siya nang isinagawa ang coin toss.

Bagaman naroon ang kaniyang abogadong si Atty. Brando Viernesto, iginiit ni Valerio na wala naman siyang ibinigay na special power of attorney dito para pumayag sa coin toss sa kaniyang ngalan.

Ayon naman kay Viernesto, oras na mapatunayang may iregularidad sa ginawang proseso, kakasuhan nila ang Board of Canvassers dahil hindi nasunod ang tamang proseso at ipinilit ang toss coin kahit wala silang representante.

Pinabulaanan naman ng kampo ni Villanueva ang alegasyong pandaraya ni Valerio./ Kathleen Betina Aenlle

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.