Tatlong linggo bago ang May 9 elections, nagkasundo ang apat na presidential aspirants na wala sa kanila ang babawiin ang kanilang kandidatura.
Magkasamang humarap sina independent presidential candidate Ping Lacson, Aksyon Demokratiko candidate Isko Moreno Domagoso at dating Defense Sec. Norberto Gonzales sa isang press conference sa isang hotel sa Makati City.
Hindi na umabot si PROMDI presidential candidate Manny Pacquiao dahil ito ay nagmula pa sa General Santos City.
Kasama din sa mga humarap sa mga mamamahayag sina Senate President Tito Sotto, runningmate ni Lacson at Dr. Willie Ong, ang ka-tandem ni Domagoso.
Sa mga nakalipas na araw, naglabasan ang ulat ng mga panawagan sa mga kandidato sa pagka-pangulo na umatras na lamang sa laban dahil sa resulta ng mga surveys na nagpapakita ng malaking kalamangan ni dating Sen. Bongbong Marcos Jr.
Ngunit sinabi ni Domagoso na nagkasundo silang apat na kandidato na itutuloy lamang nila ang pangangampaniya hanggang sa huling araw ng campaign period.