Arbitration ng Pilipinas laban sa China, hindi dapat sukuan – PNoy

benigno_aquinoIpinagtanggol ni Pangulong Aquino ang matigas na posisyon ng kanyang administrasyon kontra sa China sa usapin ng agawan sa teritoryo sa South China o West Philippine Sea.

Sa harap ito ng paninindigan ng Aquino administration na idaan sa arbitration at multi-lateral sa halip na bilateral talks ang nasabing territorial dispute.

Sa isang panayam, sinabi ni Pangulo na base kasi sa kanyang pagtatanong, kapansin pansin na hindi nagtutugma ang sinasabi ng Chinese foreign ministry at kanilang central government.

May ugali din aniya ang China na nanunulak sa usapan at kapag may nagbigay ay lalo pa itong manunulak.

Dahil aniya diyan, marami aniya silang dapat na timbangin sa pakikipag -usap sa Beijing kabilang na espasyo na dapat nilang ibigay para hindi naman mapahiya ang China.

Aminado si Pangulo na sa ngayon ay walang laban ang pilipinas sa ginagawang pambu-bully ng China.

Gayunman, nagagalak aniya siya dahil mas marami nang kapitbansa ng Pilipinas sa asean ay nagbibigay ng mas matigas na pahayag sa mga ginagawa ng china sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

Nanindigan si Pangulo na hindi dapat isuko ang sinumang lider ng bansa ang kanyang territorial sovereignty dahil ito ay mistulang political suicide.

Inamin rin naman ni Pangulong Aquino na nakaramdam sila ng pressure mula sa China dahil sa pagmamatigas nito sa territorial dispute.

Kapansin-pansin aniya na tuwing may isyung lumalabas sa West Philippine Sea ay biglang nagiging mahigpit ang pag-iinspeksyon ng china sa mga iniluluwas na saging ng Pilipinas, na dahilan kung bakit umiiwas na silang makipag-usap sa China.

Ipinaalala ni Pangulo sa China na isa sa nagtutulak sa ekonomiya nito ay ang export model at kung gusto nito na magtuloy tuloy ang kanilang paglaki ay dapat makisama ito sa iba pang bansa sa mundo./Alvin Barcelona

Read more...