Bagyong #AgatonPH kumikilos na patungong Llorente, Eastern Samar

Tinatahak na ng Tropical Depression Agaton ang Llorente, Eastern Samar

Sa abiso ng PAGASA bandang 2:00, Martes ng hapon (April 12), huling namataan ang sentro ng bagyo sa bisinidad ng nasabing lugar dakong 1:00 ng hapon.

Napanatili nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 75 kilometers per hour.

Mabagal ang pagkilos nito sa direksyong pa-Silangan.

Bunsod nito, nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa mga sumusunod na lugar:
– Eastern Samar
– Samar
– Northern Samar
– Biliran
– Leyte
– Southern Leyte
– Camotes Island
– Dinagat Islands

Sinabi ng PAGASA na magdadala pa rin ang bagyo ng katamataman hanggang sa mabigat na buhos ng pag-ulan sa Eastern Visayas, Bicol Region, northern at central portions ng Cebu kasama ang Bantayan at Camotes Islands, Aklan, Capiz, Iloilo, Antique, Guimaras, at northern at central portions ng Negros provinces.

Mahina hanggang katamtamang pag-ulan naman ang iiral sa MIMAROPA, Dinagat Islands, Zamboanga del Norte, Quezon, at nalalabing parte ng Visayas.

Sinabi pa ng weather bureau na inaasahang mabagal na kikilos ang bagyo pa-Silangan sa susunod na anim hanggang 12 oras simula Martes ng gabi o Miyerkules ng umaga (April 13).

Read more...