Ibinunyag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na may listahan siya ng mga sangkot sa smuggling ng mga produktong agrikultura.
Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, sinabi ni Sotto na diumano protektado ng ilang opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) ang ilan sa mga nasa listahan.
“Who these personalities are and what roles do they play in this systemic and persistent problem of smuggling? After three hearings we are yet to hear from the Department of Agriculture and the Bureau of Customs why smuggling of agricultural products continues to escalate,” sabi pa ni Sotto.
Ibinahagi nito sa pagdinig na kada araw, P2.5 milyon ang nawawalang kita ng mga magsasakang Filipino dahil sa mga naipuslit na imported agricultural products.
Sa pagdinig, inamin ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Dir. Edsel Batalla na may 20 pangalan ng smugglers ang kabilang sa listahan.
Ngunit aniya, hindi pa nila nakukumpirma ang pagkakasangkot ng mga nasa listahan.
Pinagbilinan naman ni Sen. Koko Pimentel ang NICA na bilisan ang kanilang pag-iimbestiga at hiniling niya na mabigyan ng kopya ng listahan ng smugglers ang mga senador, gayundin ng pangalan ng mga opisyal ng gobyerno na nagsisilbing protector.